Home Feature Grantee
Mark Anthony Balberona PDF Print E-mail

TAGUMPAY NG ISANG AFPEBS GRANTEE

“Gustong-gusto ko talaga noon maging engineer kaya nagsipag ako mag-aral. Gusto ko maging iba sa mga ordinaryong estudyante. Dapat may alam ako na hindi alam ng iba.”

-          Mark Anthony Balberona

Gold Medalist, Mapua Institute of Technology

1st place, 2002 Mechanical Engineer Licensure Examination

Provident Trust Fund Grantee

Nasa ikatlong taon pa lamang sa elementarya si Mark ng siya ay maging iskolar ng AFP Educational Benefit System.  Ang kanyang angking talino ang naging puhunan niya upang mapasama sa mga anak ng sundalo na napagkalooban ng scholarship.

Naging masaya ang kabataan ni Mark bilang anak ng sundalo. Kahit na laging nasa duty ang kanyang ama, hindi ito naging hadlang para magkasama sila. Naranasan nila ng kanyang magkapatid na matulog sa opisina para lamang makasama ang kanilang ama. Ang mga Christmas parties at outing ay naging masasayang alaala rin dahil sa mga panahong ito nakukumpleto ang kanilang pamilya.

Bago magsimulang magkolehiyo si Mark, pumanaw si Msgt Balberona.  Dahil dito naging malungkot ang bawat araw para kina Mark. Hindi lamang ama ang nawala sa kanila, kundi pati kabuhayan ng pamilya. Kinailangan nilang magtiyaga sa mga lumang damit, sapatos at gamit para lamang makaipon ng pang-aral. Ngunit ang paghihirap na ito ang siyang nagbigay inspirasyon kay Mark upang magpursigi sa pag-aaral.

Sa tulong ng AFPEBS, natapos ni Mark ang kursong BS Mechanical Engineer sa isang kilalang paaralan.  Nagtamo rin siya ng karangalan bilang Gold Medalist o pinakamahusay na estudyante sa kanilang batch. Ang allowance na ibinibigay sa kanya ng AFPEBS ang siya niyang ipinandagdag sa kanyang tuition fee.

Matapos ang ilang taon ng pagsisikap, natupad ni Mark ang pangarap nila ng kaniyang ama na siya ay maging isang inhinyero. Itinuring pa niyang mas malaking karangalan ang maging topnotcher sa Mechanical Engineering Board Exam noong 2002.   Sa kasalukuyan, nagtuturo siya sa Mapua Institute of Technology, ang paaralang kaniyang pinagmulan habang tinatapos ang kaniyang MS Mechanical Engineering sa De La Salle University.

“Sa mga anak ng sundalong tulad ko, sana pagbutihan nila ang kanilang pag-aaral. Maraming iba diyan na gustong mag-aral pero walang pera, walang resources. Huwag nating sayangin ang tulong na ibinibigay sa atin tulad ng tulong ng AFPEBS. Kung magsisikap tayo, makakamit natin ang mga pangarap ng mga ama nating sundalo para sa atin.”

 

Last Updated on Wednesday, 03 February 2010 07:19