Quotes for the day
| Ambassador Bienvenido Tan, Jr. |
|
|
|
|
Sapul sa kanyang kabataan ay buo na ang kanyang loob sa pagsisilbi sa kapwa. Bilang miyembro ng University of the Philippines Vanguards, lumaban siya sa mga Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang kanyang lihim na misyong mangalap ng impormasyon tungkol sa mga Hapon ay matapang niyang ginampanan sa kabila ng peligrong mahuli sa piling ng kalaban. Matapos ang digmaan, patuloy siyang pumanig sa nararapat. Hindi niya tinanggap ang anumang benepisyo sa kabila ng kanyang sakripisyo sa bayan at bagkus, nanatili sa bansang sinalanta nang matinding pagkasira. Ganoon na lamang ang kanyang pagpapahalaga sa pagmamahal sa bayan. Dahil dito, sadyang mataas ang kanyang respeto sa disiplina ng pagsusundalo. Aniya, ang anumang tulong na maaari niyang ihandog sa mga kawal ay husto lamang sa tapang at dedikasyon ng mga ito na magbuwis ng kanilang buhay kung kinakailangan upang magampanan lamang, sa abot ng kanilang makakaya, ang kanilang tungkulin. Ngunit sa edad na walumpu’t-apat (84) na taong gulang, aminado siyang hindi niya maaaring ibigay ang lahat ng kanyang naipundar sa dahilang siya ay patuloy pa ring naghahanap-buhay bilang abogado. Magkagayun man, ginagamit niya ang kanyang impluwensya upang lumikom ng suporta at tulong para sa edukasyon ng mga hindi nakaririwasa tulad ng mga ulilang anak ng sundalo. Sa kabila ng kanyang kontribusyon sa pag-aaral ng daan-daang kabataan bawat taon, hindi niya nais ang makilala siya ng personal. Pinaninindigan niyang tapat lamang siyang tagapangasiwa ng mga biyaya sa kanila ng Panginoon at hindi ang mismong tagapagkaloob ng mga ito. |
| Last Updated on Wednesday, 16 December 2009 14:50 |
Feature Donor



Siya ay isang abogado, negosyante, dating komisyonado ng Kawanihan ng Rentas Internas, dating embahador ng Pilipinas sa Alemanya, at marami pang iba liban sa kanyang hiling na huwag siyang ituring na tagapagkaloob ng tulong donasyon sa mga higit na nangangailangan. Bagkus, siya raw ay pawang tagapangasiwa lamang ng mga mapagkawanggawang institusyon. Ang Salome Tan Foundation, Bahay ni Angelo King Foundation, Children’s Hour, at Philippine Business for Social Progress (PBSP) ay ilan sa mga organisasyong sumusuporta sa mga ulila at dehadong anak ng mga sundalo. Si Ambassador Bienvenido Tan, Jr. ay naging bahagi, kung hindi man patuloy na naglilingkod sa mga ito.